Inihahanda na ng Department of Energy (DOE) ang fuel subsidy na kakailangnin ng mga mangingisda at maging ng mga public utility vehicle (PUV) drivers kung sakali man na sumipa sa $80/barrel ang magiging presyo ng krudo at ng petrolyo bunsod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
Ayon kay Energy Officer-In-Charge Sharon Garin, nakakapag-trigger ng sabsidiya ang naturang presyo kung saan mayroon nang nakalaan para sa Department of Transportation (DOTr)na siyang ipamamahagi sa mga tsuper at maging sa Department of Agriculture (DA) na siya namang ipapamahagi para sa mga mangingisda.
Inabisuhan na rin aniya ng kanilang tanggapan ang mga kalihim ng naturanag mga departamento para sa paghahanda ng fuel subsidy bilang tawid pasada sa mga PUV drivers at para maging tuloy-tuloy rin ang hanap-buhay ng mga mangingisda.
Kasunod nito ay kinumpirma naman ng opisyal na nakatakda na magpulong ang kanilang mga ahensya para paghandaan ang inaasahang pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo.
Tatalakayin aniya sa pagpupulong kung magkano pa ang natitirang pondo para sa paghahanda ng fuel subsidy, kung anong mga programa pa ang maaaring gawin ng kani-kanilang mga departamento para makatulong sa mga pilipino.
Samantala tiniyak naman ni Garin na pinaghahandaan na nila ang maaaring pagtaas sa presyo ng krudo at sisiguruhin ring mareresolba at makakapagbigay ng tulong ang kanilang ahensya kung sakali mang mangailangan ng malala ang publiko.
Balak na din ng departamento na makipagugnayan at umapela sa iba’t ibang mga fuel companies para naman sa maaaring pagbibigay ng discount sa mga tsuper para makapagbigay ng kahit kaunting tulong kapag sobrang tumaas ang presyo nang maiwasan rin ang dagdag pasahe sa mga commuters.