Tiniyak ng Department of Tourism na hindi maaantala kundi kanilang itutuloy pa rin ang turismo sa mga rehiyong apektado ng malalakas na paglindol nitong mga nakaraan.
Ayon mismo kay Tourism Secretary Maria Christina Garcia Frasco, ginagawa aniya lahat ng kagawaran para maseguro lamang ang turismo lalo na sa Cebu, Davao Oriental at iba pang naapektuhan ng sakuna.
Ngunit hindi naman itinanggi ng kalihim ang epekto o pinsalang idinulot na pagyanig ng lupa sa seguridad at kaligtasan ng mga turista.
Gayunpaman, inihayag ni Tourism Sec. Frasco na patuloy pa rin ang turismo sa pagdating ng mga turista matapos ang lindol.
Habang kasabay naman nito ang pakikidalamhati ng kalihim sa mga nangamatay, at naapektuhang mga indibidwal sa lindol.
Samantala, inamin ni Tourism Secretary Maria Christina Garcia Frasco na hindi pa matukoy ang kabuuang halaga sa mga nasirang ‘heritage sites’ dulot ng lindol.
Hindi aniya ito maari pang ma-determina sapagkat dadaan pa sa ‘full thorough assessments’ ngayong may naitatala pa ring mga aftershocks.
Kanyang sinabi ang mga pahayag nang makapanayam sa inilunsad na National Alternative Dispute Resolution Convention kasama Department of Justice.