Pinayuhan ng Department of Tourism (DOT) ang mga biyahero na ipagpaliban muna ang planong pagbiyahe sa kanilang mga destinasyon na apektado ng mga pag-ulan at baha bunsod ng habagat at bagyong Dante.
Ito ay matapos tukuyin ng state weather bureau ang ilang mga lugar sa bansa na maaaring makanaras ng mga disruption.
Kabilang sa mga masusing binabantayan ng Disaster Risk Reduction and Management Committee (DRRMCom) ng DOT ay ang mga sitwasyon sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Region I (Ilocos Region), Region II (Cagayan Valley), Region III (Central Luzon), Region IV-A (CALABARZON), Region IV-B (MIMAROPA), Region V (Bicol Region) at Region VI (Western Visayas).
Bunsod nito ipinayo ng ahensiya sa mga traveler na manatiling updated sa posibleng service interruptions, site closures o pagbabago sa mga ruta.
Inabisuhan din ng ahensiya ang tourism stakeholders na patuloy na i-monitor ang updates mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at state weather bureau para sa lagay ng panahon.
Hinimok naman ang mga hotel, tour operators at transport services na maghanda para sa posibleng service interruptions. Mahalaga aniyang maipaalam sa mga guest ang anumang pagbabago sa serbisyo kabilang na ang mga kanselasyon o rescheduling.
Tiniyak naman ng kagawaran ang patuloy na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong turista at tourism stakeholders.
Bukas naman aniya ang kanilang linya ng komunikasyon para sa mga biyaherong mangangailangan ng tulong kung saan maaaring tawagaan ang tourist assistance call center na 151-TOUR (151-8687).