-- Advertisements --

Nagsasagawa ng hakbang ang Department of Tourism (DOT) para akitin ang mga film producer mula India, partikular sa industriya ng Bollywood, na gamitin ang Pilipinas bilang lokasyon ng kanilang mga pelikula.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, inialok ng ahensya sa mga Indian film executives mula sa Bollylands.com at National Film Development Corp. of India ang tulong sa location scouting at logistics sa bansa sa pamamagitan ng bagong tatag na Film Tourism Office.

Layunin ng opisina na i-promote ang mga tourist destinations ng Pilipinas sa pamamagitan ng pelikula, habang isinusulong din ang Filipinization—ang pagpapakita ng lokal na kultura, pagkain, kasuotan, at mga pista sa mga pelikula.

Malaking oportunidad aniya ito sa turismo, lalo’t ang Indian film industry ang pinakamalaki sa mundo sa dami ng production taun-taon at may malawak na audience sa Asia, Africa, Gulf countries, at Europa.

Kilalang film location na ang Pilipinas para sa ilang Hollywood films tulad ng Apocalypse Now, Platoon, The Bourne Legacy, at Nocebo.

Bukod sa tulong ng DOT, may mga incentives ding ilalaan mula sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) gaya ng 20% cash rebate sa gastos ng foreign producers, at mula sa TIEZA gaya ng income tax holiday at duty-free importation ng film equipment, kung makikipag-partner sila sa local film outfits.

Noong 2023 at 2024, nakipagpulong din ang DOT sa mga Hollywood producers upang itampok ang Pilipinas bilang ideal filming destination.