MANILA – Kung ang Department of Science and Technology (DOST) daw ang tatanungin, posibleng ang mga COVID-19 vaccine ng Pfizer at Moderna ang unang makakapasok na bakuna sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya, sa gitna ng inaasahang supply ng mga bakuna laban sa coronaviruse disease sa susunod na taon.
“Dalawa pa lang ang nai-issuehan ng EUA ng isang stringent regulatory in the US. ‘Yan ang Pfizer-BioNTech at Moderna,” ani Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).
“If they are going to pursue their application for EUA in the Philippines, malamang sila ang unang maging available.”
Ayon kay Dr. Montoya, malaki ang tsansa na magawaran ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) sa Pilipinas, ang mga bakunang una nang nabigyan ng authorization sa pinanggalingan nilang bansa.
“May bearing yung mga desisyon na ilalabas ng stringent regulatory agencies.”
“Kung na-approve sila ng FDA natin, maaari na silang maging available sa bansa.”
Kung titingnan daw ang timeline ng Pfizer at Moderna, hindi malabong isa mula sa kanila ang unang magamit ng mga Pilipino.
Iba’t-ibang bansa na ang naggawad ng EUA sa bakuna ng Pfizer, matapos simulan ng United Kingdom ang kanilang COVID-19 vaccination program gamit ang development ng American pharmaceutical company.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na wala pang manufacturer na nagpapasa ng aplikasyon sa FDA para makakuha ng EUA.