Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa tamang pasahod sa midterm elections sa Lunes, Mayo 12 na idineklara bilang special non-working holiday.
Ayon sa ahensiya, ang mga empleyadong papasok sa Lunes ay kwalipikadong makatanggap ng full pay at karagdagang 30% ng basic wage.
Ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 878 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang mga empleyado naman na hindi papasok sa trabaho sa Mayo 12 ay subject sa “no work, no pay” principle maliban na lamang kung mayroong company policy, practice o collective bargaining agreement.
Para naman sa mga empleyadong nagtrabaho nang lagpas sa walong oras o nag-overtime sa halalan, makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang orasang sahod.
Ang mga nagtrabaho na nataong rest day ay kwalipikadong makatanggap ng karagdagang 50% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras.
Kapag nagtrabaho sa rest day na lagpas naman sa walong oras, dapat mabayaran ng karagdagang 30% ng orasang sahod para sa sobrang oras.