-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng humigit-kumulang P1 billion para sa emergency employment ng mga manggagawang naapektuhan ng mga kamakailang bagyo at pagbaha, ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Ang pondo ay nakalaan para sa pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa mga apektadong lugar sa buong bansa. Naipamahagi na rin ito sa mga regional office ng DOLE.

Ayon kay Laguesma, nagsimula na ang pakikipag-ugnayan ng mga DOLE regional office sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng programang nagbibigay ng 10 hanggang 30 araw na trabaho gaya ng paglilinis, pag-aalis ng debris, at pagkukumpuni ng pampublikong pasilidad.

Kabilang din sa mga gawain ng TUPAD workers ang pagtulong sa DSWD sa repacking ng relief goods at sa MMDA para sa declogging ng mga kanal at estero.

Batay sa ulang ng Office of Civil Defense mahigit 4.5 milyong katao ang naapektuhan ng bagyong Crising, Dante, at Emong, kasama na ang habagat. Halos 50,000 pamilya ang napilitang lumikas dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha.

Nabatid na noong 2024, umabot sa 3.19 milyon ang benepisyaryo ng TUPAD sa buong bansa.

Target ngayon ng DOLE na mas palakasin pa ang programa sa 2025 at makahanap ng mas pangmatagalang trabaho ang mga benepisyaryo.