-- Advertisements --

Ipinaalala ng Department of Labor and Employment o DOLE ang tamang pasahod ngayong Semana Santa partikular ng Black Saturday.

Sa isang isinapublikong pahayag ng naturang kagawaran, ibinahagi nito ang isang Labor Advisory No. 04, Series of 2025 na ang Abril 19 ng kasalukuyang taon ay ‘Special Non-Working Day’.

Layunin sa kanilang mensaheng inilabas o social media post na mapaalalahanan ang mga pribadong sektor, employers at trabahador sa ‘proper payment of wages’ ngayong araw.

Kung saan ipinatutupad ang “no work, no pay policy” sa mga hindi magsisipagpasok sa trabaho ngunit kung may ibang polisiya o collective bargaining agreement naman ang kumpanya, maari itong sundin sa pagbabayad ng kaukulang halaga.

Ngunit kung ang isang empleyado naman ay pumasok habang ‘special non-working day’, ang employer ay nararapat lamang na magbayad ito ng karagdagang 30% mula sa kanilang basic wage ng unang walong oras.

Habang kapag nataon na lumagpas sa nakatakdang oras lamang ng trabaho, karapatan ng isang empleyado na masahuran siya ng dagdag 30% halaga ng pasahod.

Dagdag pa rito, kung ‘rest day’ ng trabahador at siya’y pumasok pa rin ngayong araw, 50% ng kanyang basic wage sa loob ng walong oras ay dapat lamang idagdag.

Samantala, pag’ sobra sa walong oras ng trabaho ang ginugol nito, bukod sa 50% na naidagdag, marapat lamang na kompyutin ito sa adisyunal na 30% kada sosobrang oras.