-- Advertisements --

Kasunod ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE)-7 sa mga employer at empleyado na sundin ang mga Labor Advisory kaugnay sa kalamidad.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Roberto Cabardo, Regional Labor Information Officer ng ahensya, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsunod sa Labor Advisory No. 1, Series of 2020 at Labor Advisory No. 17, Series of 2022, na nagbibigay gabay sa suspensyon ng trabaho at pagbabayad ng sahod sa panahon ng kalamidad.

Aniya, may karapatan ang mga employer na suspendihin ang trabaho para sa kaligtasan ng mga empleyado, at ang mga hindi pumasok ay hindi binabayaran, maliban na lang kung may leave credits o kasunduan.

Kapag pumasok naman ang empleyado, tatanggap siya ng regular na sahod, ngunit walang dagdag na bayad.

Sa Labor Advisory No. 17, binigyang-diin ni Cabardo ang proteksyon ng mga empleyado mula sa parusa kung sila ay tumangging magtrabaho dahil sa panganib mula sa kalamidad.

Pinayuhan nito ang mga employer na maging maunawain at bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na magdesisyon batay sa kanilang kaligtasan.