Ibinunyag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroon nang tatlong flood control project na nai-dokumento ng National Bureau of Investigation (NBI) na may anomalya.
Sa isang pahayag, sinabi ng kalihim na bahagi ito ng report na ibinigay sa kaniya ng NBI, matapos pagalawin ang naturang opisina para magsagawa ng sarili nitong pagsisiyasat sa flood control crisis.
Bagaman hindi pa idinetalye ng kalihim ang kabuuan ng imbestigasyon ang mga naidokumentong anomalya sa mga naturang proyekto, tinukoy nitong may nangyayaring sabwatan ang ilang mga opisyal sa mga naturang proyekto.
Hindi rin binanggit ng kalihim kung sino ang mga opisyal na sangkot dito, ngunit tiniyak niyang hindi sila sasantuhin sa kabuuan ng imbestigasyon, hanggang sa mismong pagsasampa ng kaso.
Siniguro rin ng kalihim na bagaman malaki ang posibilidad na may mga opisyal mula sa legislative at executive na posibleng masangkot sa mga maanomalyang proyekto, ilalabas ng DOJ ang kabuuan ng pagsisiyasat, hanggang sa tuluyang pagsasampa ng kaso sa mga responsable.
Kung babalikan ang naunang pahayag ni NBI Director Jaime Santiago, inatasan na niya ang bawat regional director ng naturang opisina na magsagawa ng sariling pagsusuri sa mga flood control infrastructure na hinihinalang nababalot na anomalya.
Sinimulan ng NBI ang imbestigasyon sa mga flood control infrastructure na una nang binisita ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.