-- Advertisements --

Ipinag-utos na si Justice Sec. Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) na gawin ang kaukulang hakbang para masigurong maprotektahan ang mga dokumento ng Philhealth na umano’y nasira.

Una nang lumabas ang mga impormasyon na may nangyari umanong pagsira sa mga dokumento at iba pang ebidensiya patungkol sa usapin ng iniimbestigahang korapsiyon sa Philhealth.

Ayon kay Guevarra, agad niyang pinakilos ang NBI sa mga regional offices nito para tiyaking mapreserba at maproteksiyunan ang lahat ng mahahalagang dokumentong nasa pangangalaga ng mga tanggapan ng Philhealth.

Tiniyak ng kalihim, mayroon man o walang koneksiyon ang mga public at official document na nasa kustodiya ng mga opisina ng Philhealth sa ginawa na nilang imbestigasyon, hindi na raw ito dapat masira at kailangan nang mapreserba.

Base sa mga kumalat na impormasyon, may nangyayari daw na pagsira ng mga ebidensiya sa mga regional offices ng Philhealth.

Una rito, nagpasaklolo na ang Senado sa NBI para maprotektahan ang mga ebidensya sa PhilHealth related controversy.

Partikular na ang nasa tanggapan sa Ilocos region.