-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mayroon na silang tinitingnan potensyal na ‘whistleblower’ kaugnay sa maanomalyang ‘flood control projects’.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroong lumapit sa kanyang abogado na kumakatawan sa ‘whistleblower’ na may alam umano hinggil sa naturang isyu.

Aniya’y ibinahagi nito ang mga impormasyon sa kung papaano ang nagiging hatian ng pera o pondong ginamit para sa kontrobersyal na ‘ghost projects’.

Dagdag pa ng Justice Secretary, nalalaman din raw nitong potensyal na ‘whistleblower’ ang mga iregularidad sa kontrata partikular sa proyektong nasa bahagi ng Central Luzon na nagkakahalaga ng nasa 5-bilyon Piso.

Bagama’t nakikitaan ng potensyal, aminado ang naturang kalihim na kanila pang hinihintay ang mga ebidensya nitong ipepresenta sa kagawaran.

Hindi pa rin aniya kasi tiyak kung tutuloy itong tumestigo laban sa mga nasa likod ng naturang ‘ghost projects’.