-- Advertisements --

Wala umanong nakikitang dahilan ang Department of Justice (DoJ) para ihinto na ang imbestigasyon sa mga kasong isinampa laban kay outgoing Sen. Leila de Lima na may kinalaman sa iligal na droga.

Ito ang naging pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra kahit ilan sa mga testigo laban sa senadora ang umatras na bumaliktad sa kanilang mga naunang testimonya.

Sinabi ni Guevarra na base sa posisyon ng DoJ prosecution panel wala umanong probative value ang recantations ng ilang testigo sa kasong kinahaharap ni De Lima hanggat hindi ito ipiniprisinta sa korte para sa examination para patunayan ang kanilang mga testimonya.

Matapos umanong pag-aralan ang mga ebidensiyang naiprisinta na at ang mga ebidensiyang ipiprisinta pa lamang ay mayroon daw magandang rason para ituloy ang imbestigasyon sa mga kasong kinahaharap ni De Lima.

Kung maalala, dumarami ngayon ang panawagan para palayain si De Lima matapos mag-recant ng kanyang testimonya ang self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at dating Bureau of Corrections (BuCor) official Rafael Ragos.

Ang dalawang personalidad ay inakusahan si De Lima na sangkot sa iligal na droga at ang paglaganap nito sa New Bilibid Prison (NBP).

Maging ang sinasabing bodyguard at driver ni Espinosa na si Marcelo Adorco ay binawi na rin ang lahat ng kanyang alegasyon laban sa laha ng personalidad na idinawit nito sa kanyang affidavit kabilang na ang senadora.

Pero sinabi naman ni Guevarra na ang mayroong final say sa disposition ng mga kaso at nasa huwes na humahawak sa kaso at wala nang iba pa.

Samantala, ang convicted drug dealer na si Herbert Colangco ay iginiit namang hinding-hindi nito babaliktarin ang kanyang naunang statements laban sa senador.

Sa isang tweet, sinabi naman ni De Lima na wala itong sama ng loob sa mga convicted criminals na para sa kanya ay pinilit lamang at sinuhulan para tumestigo laban sa kanya.

Una rito, sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na hindi nila kokontrahin ang mosyon ni De Lima para sa medical furlough.

Pero kailangan naman daw na subject pa rin ito sa usual na mga protocols.

Kabilang na rito ang security arrangements, walang media interviews kaugnay ng merito ng kaso, kailangan din niyang magsumite ng report ng medical procedures sa korte maging ng mga kahalintulad na issue.