Tinuligsa ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa hindi pagsasailalim sa preventive suspension ng mga opisyal na umano’y sangkot sa “ghost” flood-control projects.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, iginiit ni Cayetano na sapat na ang paper trail at mga litrato mula sa mga kontratista para matukoy ang mananagot.
Babala niya, kung hindi agad masususpinde ang mga posibleng nagtatakip, may panahon pa silang burahin ang ebidensya.
Ipinaliwanag din ng senador na may sistema ng dokumentasyon at quality assurance mula district hanggang regional offices, kaya’t umaabot ang completion reports hanggang sa antas ng undersecretary.
Dahil dito, hinikayat niya ang DPWH na tukuyin kung sino-sino sa chain of command ang aktwal na nagbeberipika ng mga ulat.
Diin pa niya, tatlong linggo na mula nang ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ghost projects sa kanyang State of the Nation Address, kaya hindi na pwedeng magpatumpik-tumpik pa ang DPWH.