-- Advertisements --

NAKAHANDA makipag tulungan ang Department of Finance sa Kamara para makahanap ng ibang revenue source kapalit ng mawawalang kita ng pamahalaan sakaling tuluyan nang ipagbawal ang online gambling.

Sa interpelasyon ni FPJ Panday Bayanihan party-list Rep. Brian Poe, tinanong niya si Finance Sec. Ralph Recto kung magkano ba ang ambag ng online gaming industry sa pondo ng pamahalaan.

Tugon ng kalihim aaabot ito sa P60 billion.

Tanong naman ni Poe, kung mawala na ang online gambling, ay bukas ba ang DOF na palitan ito ng ibang pagkukunan ng revenue, gaya buwis sa plastic at pagtaas sa excise tax ng pagmimina.

Punto ng mambabatas, wala pang national excise tax sa plastic kahit pa 2.7 million metric tons ng plastic waste ang napo-produce ng bansa—20% ay napupunta sa katubigan na nagdudulot ng pagbaha na siyang problema ng bansa ngayon.

Tinukoy din niya na kumpara sa ibang global industry, nasa 2% lang ang excise tax ng Pilipinas sa mining industry.

Positibo naman ang tugon ni Recto dito.

Habang hinikayat naman niya ang Kongreso na itulak ang excise tax sa plastic.

Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ni Recto ang paglagda ng Pangulo sa panukalang mining fiscal regime.