-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na tiyakin ang agarang pagpapadala ng mga responders kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu.

Bilang tugon sa direktiba ng Pangulo, agad namang ipinadala ni DOH Secretary Ted Herbosa ang mga nakahandang emergency medical response teams mula sa Cebu City patungo sa Bogo City.

Ang hakbang na ito ay naglalayong magbigay ng tulong medikal sa mga posibleng maapektuhan ng lindol sa nasabing lugar.

Bago pa man ang pag-anunsyo ng kalihim, nauna nang ipinadala ang unang batch ng medical team na nagmula sa DOH Vicente Sotto Memorial Medical Center (DOH-VSMMC) kaninang madaling araw.

Ang nasabing grupo ay binubuo ng mga general surgeons, emergency medicine doctors, at mga orthopedic specialists.

Bukod pa rito, dala rin ng team ang mga kinakailangang medical supplies at commodities na sapat para tugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng maaaring nasugatan dahil sa lindol.

Bandang alas otso naman ng umaga kanina nang ipadala ang pangalawang batch ng DOH medical team.

Ang grupong ito ay nagmula rin sa Cebu City at patungo rin sa Cebu Provincial Hospital sa Bogo City.

Dahil sa nangyaring lindol, nakataas na rin ang code white alert sa buong Central Visayas.