Muling sumipa sa 12,208 ang testing backlog ng mga lisensyadong laboratoryo sa bansa na humahawak ng COVID-19 test, ayon sa Department of Health (DOH).
Aminado ang ahensya na labis ang muling itinaas nang nasabing backlog. Pero ito’y dahil daw sa ilang issues, tulad ng kulang na supply sa ilang kailangan na gamit tulad ng extraction machines.
Kung maaalala, una nang sinabi ng DOH na sapat naman ang supply ng test kits sa mga laboratoryo.
Bukod dito, ilang laboratoryo na kaka-lisensya pa lang sa COVID-19 testing ang dinumog ng samples, kaya napilitan ang mga itong mag-limita muna.
Sa online media forum kanina ng ahensya sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may ginagawa nang hakbang ang DOH para matugunan ang muling pagsipa ng testing backlogs.
“Inaayos natin ‘to lahat. We have already identified zones for each of these LGU and hospitals para kapag nakikita namin na ang isang laboratory ay nagkakaroon na ng problema like backlogs, pwede nating hingin yung tulong ng isang laboratory na malapit sa kanya para ma-share niya yung burden of these tests that are being processed.”
Ang laboratory backlogs ay yung mga samples na nakolekta na ng mga laboratoryo pero hindi pa naisasalang sa mga makina para maglabas ng resulta.
Iba pa ito sa laboratory backlogs, o yung test results na ipapasa pa lang ng mga laboratoryo sa DOH para sa validation.
Samantala, nilinaw din ni Usec. Vergeire na kasama ang mga temporary treatment and monitoring facilities sa mandatong i-monitor ng mga local government units para sa kanilang mga residente na mild at asymptomatic cases na piniling sa labas ng ospital magpagaling.
Sa ngayon mayroong 14 na MEGA Ligtas COVID-19 quarantine facilities sa buong bansa. As of July 8, nananatiling maganda ang occupancy rate ng mga pasilidad na nandito sa Metro Manila dahil sa maayos umanong network at pagbabantay ng National Task Force.
“Sa PICC we have 9.5 (percent), kasi ang kausap naman nila (yung) PGH. Sa World Trade Center mayroon tayong 70-percent occupancy rate; Las Pinas Rehabilitation Center, 62.9-percent; Quezon Institute, 98-percent; Ultra Stadium, 51-percent; Rizal Memorial Coliseum hindi pa natin nabibigyan ng pasyente; but for Ninoy Aquino Stadium we have 98-percent.”
Batay sa huling data na inilabas ng DOH, higit 11,000 COVID-19 patients ang naka-home quarantine. Ang 491 sa kanila ay mula rito sa Metro Manila.