Muling itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Health Sec. Teodoro Herbosa, bilang kalihim pa rin ng DoH, matapos itong mabigong makapasa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Sa inilabas na appointment paper na pirmado ng Pangulo, itatalaga pa rin umano niya si Teodoro sa kaparehong tungkulin, alinsunod sa Section 16, Article VII ng 1987 Constitution.
Nauna nang tinapos ang pagdinig ng CA sa kumpirmasyon pagkatapos ng apat na oras dahil sa kakulangan ng panahon.
Samantala, ang dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Andres Centino ay hinirang na Presidential Assistant for Maritime Concerns.
Ang posisyon ay may ranggong kalihim sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.
Nakakuha rin ng mga bagong appointees ang hudikatura.
Si Juliet Manalo-San Gaspar ay magsisilbing Associate Justice para sa Sandiganbayan.
Sa Court of Appeals naman, hinirang na Associate Justices sina Lorna Francisca Catris Cheng, Maria Consejo Gengos-Ignalaga at Raymond Joseph Javier.
Samantala, si Henry Angeles ay pinangalanang Associate Justice sa Court of Tax Appeals (CTA).