-- Advertisements --
DOH

Pupulingin ng Department of Health ang binuong Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases ng pamahalaan pahinggil sa naging deklarasyon ng World Health Organization na wakasan na ang pagturing sa COVID-19 bilang global health emergency.

Ito ay sa kabila ng ilang reports na kamakailan lang ay mayroon muling naitatala na pagtaas sa bilang ng mga positivity rate ng nasabing virus sa bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ng naturang kagawaran na bukas ito sa proklamasyon ng WHO na alisin na ang pagpapatupad ng Public Health Emergency of International Concern na nauugnay sa nasabing sakit.

Ayon sa Health Department, kaugnay nito ay muli nilang pag-aaralan ang mga health guidelines na kasalukuyang ipinapatupad ngayon sa bansa nang dahil sa banta ng COVID-19.

Naniniwala ang ahensya na ang hakbang na ito ay nagsisilbing repleksyon ng effective at collaborative effort ng iba’t ibang ahensya ng bansa na pigilin ang pagkalat ng nasabing sakit kasabay ng pagsusumikap na muling ibangon at pasiglahin ang ekonomiya ng Pilipinas.

Ngunit sa kabila nito ay aminado ang kagawaran na hindi pa rito natatapos ang kanilang trabaho.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa binabanggit ng DOH ang mga detalye ng plano nito hinggil sa mga ipinapatupad nitong protocols na may kaugnayan sa COVID-19.