MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala namang inaasahan na pagsipa sa bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas sa kalagitnaan ng taon.
Reaksyon ito ng ahensya matapos sabihin ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na may inaasahang “surge” ang pamahalaan pagdating ng Hunyo o Hulyo ng taon.
“Hindi pa po tapos ang COVID. Nakita po natin, there is a wrong notion na COVID is already finished in some other countries. It can reappear anytime,” ani Galvez sa interview ng ANC.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagpapaalala lang ang kapwa opisyal sa mga hakbang na maaaring nang gawin ng bansa sakaling sumirit na naman ang kaso ng coronavirus.
“I think Sec. Galvez was taken out context. Ang sinasabi niya (Galvez) is we must always be ready for any possible circumstances na tataaas ang mga kaso in the coming months, kaya dapat lagi tayong handa.”
Ginagawa naman na raw ng pamahalaan ang ilang paghahanda tulad ng pagpapalawig ng kapasidad sa mga ospital, dagdag na healthcare workers at gamit sa mga pagamutan.
Nilinaw ni Vergeire na ang mga paghahandang ginagawa ng gobyerno ay hindi para lang sa kasalukuyang sitwasyon kundi sa kahit anong posibleng mangyari dahil patuloy na kumakalat ang COVID-19.
“Sana makikita natin yung epekto ng ginagawa nating intensive efforts ngayon in about 10 to 14 days, but realistically tulad nung nangyari noong July and August (2020) na tumaas ang kaso nakita natin yung lahat ng epekto in about one to one and a half months.”
Sa ngayon wala pa raw projection o pagtataya ang DOH tungkol sa posibleng bilang ng COVID-19 cases sa bansa pagdating ng Hunyo at Hulyo.