-- Advertisements --

Nagbabanta muli ang storm surge o matataas na daluyong sa pitong probinsya sa Northern Luzon, dahil sa pag-iral ng bagyong Emong at bagyong Dante.

Batay sa storm surge warning na inilabas ng state weather bureau ngayong July 24, posibleng umabot mula isa hanggang dalawang metro ang taas ng mga daluyong sa susunod na 36 na oras.

Nakataas ito sa mga probinsya ng Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at probinsya ng Zambales.

Umaabot hanggang walumpong (80) syudad at munisipalidad na pawang nakaharap sa karagatan ang inaasahang maaapektuhan.

Kinabibilangan ito ng mga malalaking syudad tulad ng Lingayen City, Dagupan City, Alaminos City, sa Pangasinan, San Fernando City, La Union; Vigan at Candon sa Ilocos Sur, Laoag City, Ilocos Norte; Aparri, Cagayan, at ang capital ng Batanes na Basco, at Zambales provincial capital na Iba.

Pinapayuhan ang mga nakatira sa coastal communities sa mga naturang probinsya na iwasang magtungo sa mga dalampasigan.

Pinapakansela rin ng weather bureau ang lahat ng marine activities, fishing activities, atbpang pinaplanong gawin sa mga karagatan.

Inaasahang maglalabas ng karagdagang storm surge warning ang weather bureau ngayong hapon, habang patuloy na nagbabanta ang mga bagyo sa Northern at Extreme Northern Luzon.