Nagpadala na ang limang electric cooperative (EC) ng kani-kanilang mga team sa probinsya ng Pangasinan upang tumulong sa malawakang power restoration kasunod ng labis na epekto ng mga magkakasunod na bagyo.
Kinabibilangan ito ng mga contingent mula sa Ilocos Norte, Zambales EC, Peninsula Electric Cooperative atbpa.
Sa kasalukuyan, anim na team ang nakadeploy sa PANELCO-1 covergae area upang tumulong sa malawakang power restoration at maibalik ang serbisyo sa mga consumer sa lalong madaling panahon. Ito ay binubuo ng 34 na line workers.
Kabilang sa mga inaayos ang mga linya ng kuryente sa Bolinao, Anda, Agno, Bani, Alaminos City, Mabini, Busgos, Dasol, at Infanta.
Ang mga naturang lugar ang pangunahing naapektuhan sa labis na pagbayo ng bagyong Emong, ang pinakahuli at pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong buwan ng Hulyo.
Ang deployment ng mga team mula sa iba’t-ibang EC ay sa ilalim ng Task Force Kapatid Initiative na binubuo ng National Electrification Administration, Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc., at mga EC.