-- Advertisements --

Umabot na sa P2.34 billion ang pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng sunod-sunod na bagyo at ulang dala ng habagat noong nakaraang linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Batay sa pinakahuling ulat ng DA, naapektuhan ang 74,895 magsasaka at mangingisda, kasabay ng pagkasira ng 53,356 metric tons ng ani sa humigit-kumulang 71,958 ektarya ng lupang sakahan.

Pinakamalaking pinsala ay sa palay, na umabot sa P1.27 billion kung saan nasira ang mahigit 67,000 ektarya ng taniman.

Dagdag pa rito ang pagkalugi ng sektor ng mais na aabot sa P83.44 million habang 9,574 metric tons naman ng high-value crops ang nawasak.

Bilang tugon, naglaan ang DA ng P653.01 million na ayuda gaya ng binhi, free-range na manok, fingerlings, at mga gamit kontra peste. Namahagi rin ang National Food Authority (NFA) ng 43,940 sako ng bigas sa mga apektadong LGU gaya ng Palawan, Pangasinan, at Albay.

Naka-activate na rin ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon, habang may P400 million na pautang sa ilalim ng SURE Loan Program para sa mga apektadong magsasaka na walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon.

Naglaan din ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng P268 million bilang paunang bayad para sa halos 46,000 insured na magsasaka.

Bagama’t hindi direktang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang epekto ng kamakailang kalamidad sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, sinabi niyang nakapagpaabot na ang kanyang administrasyon ng tulong sa mahigit 8.5 milyong magsasaka at mangingisda sa buong bansa.