Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga deboto na unahin ang kaligtasan sa kasagsagan ng Traslacion, bukas, Enero 9.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng Department of Health–Metro Manila Center for Health Development (DOH–MMCHD) ang publiko na obserbahan ang precautionary measures partikular na sa gitna ng inaasahang kumpulan ng malaking bilang ng mga debotong makikilahok at matagal na pagkalantad sa araw o sa posibleng pag-ulan.
Muling ipinaalala rin ng DOH ang mga naunang abiso nito kabilang ang pagsusuot ng mga panangga sa mainit na panahon, gaya ng pagsusuot ng sombrero, pagdadala ng towel, tubig para manatiling hydrated at magdala ng pagkaing madaling kainin.
Hinihimok din ng ahesniya ang mga bata, buntis, matatanda at ang mga may sakit na manatili na lamang sa bahay.
Pinapayuhan rin ang mga deboto na magsuot ng komportableng damit, iwasan ang pagsusuot ng mga accessories o alahas, kumain ng masustansiyang pagkain bago lumahok sa aktibidad at magdala ng maintenance medicines kung meron man. Inirerekomenda rin ang pagdadala ng first aid kit.
Bago magtungo sa venue para sa Traslacion, ilista ang mga health emergency response team stations na ilalatag sa mga ruta ng Traslacion para madaling matunton sakaling may emergency gaya na lamang kung magtamo ng sugat o makaranas ng masamang pakiramdam sa kasagsagan ng prusisyon.
Maglalatag ng health stations sa may Quirino Grandstand, Rizal Park sa may Roxas Boulevard, National Museum exit point, mga lugar malapit sa isang sikat na mall sa Maynila sa may Ayala Bridge, P. Casal Street, Quinta Market at Quezon Boulevard, San Sebastian Church grounds, Manuel L. Quezon University grounds at ilang mga lokasyon sa Quiapo.
















