-- Advertisements --
Manila Bay White Sand

Ikinabahala ng Department of Health (DOH) ang pagdagsa ng mga tao nitong nagdaang weekend sa atraskyon ng white sand beach sa Manila Bay.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, agad nilang inendorso sa Department of Interior and Local Government (DILG) nang malaman nila ang ulat ukol sa kawalan ng physical distancing sa lugar.

“Ito ay isang nakakabahalang sitwasyon. Alam po nating hindi pa tuluyang nawawalang ang virus.”

Kinikilala naman daw ng ahensya ang layunin ng proyekto, kaya pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na mahalagang sundin ang minimum health standards sa mga hindi inaasahang pagtitipon o pagkukumpol ng mga tao.

“Ito ay delikadong sitwasyon. Baka magkaroon ng paghawa-hawa ang mga pumunta dyan na hindi naipapatupad ang minimum health standards.”

Nakatakda raw pag-usapan sa Inter-Agency Task Force meeting ang insidente sa Manila Bay white sand beach.

Kung maaalala, sinibak sa pwesto ang hepe ng Ermita Police Station, ang may sakop sa bahagi ng white sand beach, na si Lt/Col. Ariel Caramoan.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Gen. Guillermo Eleazar, naagapan sana ang sitwasyon kung maagang nagpadala ng pwersa ang pulisya.

FLATTEN THE FEAR CAMPAIGN

Samantala, pina-iimbestigahan na rin daw ng DOH sa Interior deparrment ang pagtitipon ng ilang medical experts noong nakaraang Huwebes, na nagsusulong na tuluyan nang luwagan ng pamahalaan ang lockdown measures.

Inilunsad ng grupong Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDC-PH) ang kampanyang “#FlattenTheFear,” kung saan kanila ring inirekomenda ang paggamit ng anti-malaria drug na hydroxychloroquine bilang panggamot sa COVID-19 patients.

“Sila (DILG) ay nag-iimbestiga sa ngayon. Kung ano yung lumabas sa findings nila, necessary sanctions will be meted out.”

“Unang-una, alam natin na bawal yon. Wala pa tayong pinapayagang mass gatherings sa ngayon. Pangalawa, nakita natin sa video na halos lahat sila walang mask na sinusuot at ito ay isa na namang violation ayon sa mga guidelines na nilalabas natin.”

Una nang nilinaw ni Usec. Vergeire na hindi nila inirerekomend ang hydroxychloroquine dahil sa nakitang adverse effects nito sa ilang pasyente na ginamitan.

“Maging evidence-based tayo, ibase natin sa ebidensya, sa scientific evidence lahat ng nirerekomenda natin para sa ating kababayan ukol dito sa COVID-19.”

“Dahil bago itong sakit na ‘to, kailangang mag-undergo ito ng regulatory process, ma-examine ng ating experts bago natin masabi na magiging ligtas ito.”

Si dating Health Sec. Jaime Galvez-Tan ang nanguna sa paglulunsad ng kampanya, na siya ring tumatayong lead convenor ng CDC-PH.