Tumutulong na ang Philippine Retirement Authority (PRA) upang mahanap ang nawalay na ama ni Duchess of Sussex Meghan Markle kasunod ng paglutang ng kaniyang mga larawan sa internet na nagpapakitang naglalakad siya sa isang lansangan sa Cebu.
Ayon sa PRA, naatasan na ang Cebu office nito upang pangunahan ang pagsisiyasat at paghahanap.
Batay sa huling impormasyon, si Thomas Markle Sr. ay nangungupahan sa isang simpleng apartment sa Cebu na binabayaran niya ng hanggang £500 (38,500 pesos) kada buwan. Siya ay inaalagaan ng kaniyang 58 anyos na anak na si Thomas Markle Jr.
Ayon sa PRA, nagawa na nitong i-beripika ang dating kinaroroonan ng mag-ama, isang requirement para sa mga foreign retirees sa ilalim ng Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) program dito sa bansa.
Gayunpaman, hindi umano nag-apply ang dalawa ng Retirement Visa dito sa bansa.
Ayon kay PRA general manager at CEO Roberto Zozobrado, sa ngayon ay walang impormasyon ang ahensiya ukol sa kinaroroonan ng mag-ama kaya’t inatasan na niya ang Cebu office upang hanapin ang lokasyon ng mga ito at i-alok ang Special Resident Retiree’s Visa sa kanila.
Ang SRRV ay isang non-immigrant visa na nagbibigay-daan sa mga dayuhan na manatili sa Pilipinas habang binibigyan din sila ng multiple-entry privilege. Sa ilalim nito ay maaari rin nilang ma-access ang healthcare program at iba pang government service havang pinapayagan din silang mag-invest.
Nitong buwan ng Enero ay nakapanayam ng isang international news organization si Thomas Sr. at dito ay sinabi niya ang pagnanais na manatili sa Southeast Asia para matamasa ang mas tahimik na buhay mula sa tinawag niyang ‘drama’.
Aniya, ngayon at 80 anyos na siya ay panahon na upang maghanap ng mas tahimik na lugar. Napili umano niya ang Southeast Asia dahil maayos ang medical care habang mababa rin ang gastusin at ang mga tao ay mababait at marespeto, lalo na sa mga nakakatanda.
Dati nang hindi maganda ang relasyon sa pagitan nina Thomas Sr. at Meghan bago tuluyang ikinasal si Meghan kay Prince Harry at maging Duchess.
Ayon kay Thomas Sr., hindi na rin siya kinakausap ng anak at hindi pa niya nakakausap ang kaniyang mga apo na sina Prince Archie at Princess Lilibet.