-- Advertisements --

Karamihan sa 63 na incoming party-list representative at 54 party-list groups sa 20th Congress ay hindi kumakatawan sa marginalized at underrepresented, ayon sa election watchdog na Kontra Daya.

Ayon kay Kontra Daya lead convenor Danilo Arao, lumalabas sa datos noong Pebrero 2025 sa party-list groups na 38 incoming party-list representatives o 60.32% ay kabilang sa political dynasties, malalaking negosyo o may koneksyon sa militar o pulis.

Gayundin, sa 54 na party-list group na kinilala ng Commission on Elections (Comelec) bilang mga nanalo sa party-list race, 32 sa kanila ang pinuna ng Kontra Daya dahil sa hindi pagkatawan sa mga marginalized at underrepresented.

Kaugnay nito, ipinunto ng lead convenor ang public pressure sa 20th Congress para isulong ang pagpasa ng anti-dynasty law at ang pag-amyenda sa party-list law para maging tunay na kinatawan ang mga ito sa marginalized at underrepresented.

Dapat na din aniyang itigil na ng mayayaman at makapangyarihan ang pag-hijack ng party-list system.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na base sa hatol ng Korte Suprema sa Atong Paglaum vs Comelec, nakasaad na ang isang kinatawan ng party-list ay hindi kailangang magmula sa mga marginalized na sektor dahil sapat na ang kanilang adbokasiya.

Nangangahulugan na kailangan aniya ng overhaul o pagbabago sa party-list law.