-- Advertisements --

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Sabado ang bansa sa pagdiriwang ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na tinawag niyang simbolo ng pagkakaisa at ang kanyang “Bagong Pilipinas” vision bilang isang pamana na magpapatuloy at huhubog sa mga susunod na henerasyon.

Sa isang mensahe, pinuri ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos sa paggabay sa bansa sa kabila ng mga hamon sa pamamagitan ng malinaw at may malasakit na pamumuno, na aniya’y ramdam ng bawat Pilipino ang direksyon at kalingang ibinibigay ng kanyang administrasyon.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara na nananatiling matatag na katuwang ng Malacañang ang Kongreso sa pagpapatupad ng mga repormang nagpapalakas sa mga komunidad, nagpapalawak ng mga oportunidad sa ekonomiya, at nagtitiyak ng kapakanan ng mga Pilipino.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang uri ng pamamahala ng Pangulo, na nakatuon sa paglilingkod at pag-unlad, at hindi pansariling interes.

Habang ginugunita ng Pangulo ang isa na namang mahalagang yugto sa kanyang buhay, ipinagdasal ni Speaker Romualdez ang kanyang kalusugan, karunungan, at patuloy na lakas sa paggabay sa bansa.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na mananatiling nakatuon ang Kamara sa pagsuporta sa bisyon ng Pangulo sa pamamagitan ng mga batas na tutugon sa mga agarang pangangailangan at magtitiyak ng isang pamana na karapat-dapat sa kinabukasan ng bansa.

“On this special day, the House of Representatives reaffirms its commitment to being your reliable partner in governance. Together, we shall ensure that laws passed under your administration truly address the needs of our people and secure a legacy worthy of future generations. Maligayang kaarawan, Mr. President! May this day remind you of the immense gratitude of the nation you serve and the continuing trust of the Filipino people,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.