Umaasa ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na lalago ng hanggan limang porsyento (5%) ang produksyon ng asukal ngayong cropping season.
Batay sa projection ng SRA, maaaring aabot sa 1.837 million metriko tonelada ang kabuuang sugar production ngayong season, bahagyang mas mataas kumpara sa inisyal na pagtaya na 1.782 million MT.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, sa kasalukuyan ay umabot na sa 1.815 million MT ng asukal ang production habang nagpapatuloy pa rin ang pagtatala sa karagdagang mga bulto ng asukal.
Nagsisilbing pinakamalaking producer pa rin ang Visayas na nakapag-ambag na ng hanggang 71% ng kasalukuyang produksyon habang 24% naman ang kontribusyon ng Mindanao.
Tanging limang porsyento lamang ang produksyon ng Luzon, kung ikukumpara sa kasalukuyang produksyon.
Ayon kay Azcona, ang bahagyang paglago ng produksyon ng asukal ngayong cropping season ay sa kabila ng epekto ng El Niño, kasama na ang ilang beses na pagputok ng bulkang Kanlaon na naka-apekto sa mga sugarcane farm sa Visayas.
Ang mga ito rin ang dahilan kung bakit bahagyang mababa ang projection ng SRA ngayong cropping season.
Itinuturo namang dahilan ng bahagyang paglago ay ang mas mataas na sugarcane tonnage per hectare planted o mas mataas na volume ng tubo na naani sa bawat ektarya, kumpara sa volume na naaani sa mga nakalipas na season.