MANILA – Hindi pa rin daw iaakyat ng Department of Health sa sublevel 2 ang Code Red na ipinatupad nito bilang tugon sa sitwasyon ng dumami pang bilang ng mga nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Nitong hapon nang kumpirmahin ni Health Asec. Rosario Vergeire na may 10 indibidwal na nadagdag sa bilang ng mga kaso matapos mag-positibo sa ginawang confirmatory testing.
Pero, hindi pa rin naman daw natutukoy kung bunga ang mga bagong kaso ng sustained community transmission kaya hindi rin muna iaakyat ng ahensya ang alerto, gayundin ang pagpapatupad ng lockdown.
Nangyayari umano ang sustained community transmission kapag nakita na walang koneksyon anv mga kaso mula sa magkakahiwalay na lugar.
Patuloy pa raw na kinakalap ng Health department ang profile at impormasyon ng mga bagong kaso, pero naniniwala si Asec. Vergeire na tulad ng mga naunang nag-positibo ay posibleng may travel history din ang mga ito.
Mula sa unang 10 kaso na inulat ng ahensya, isa na lang ang mahigpit na tinututukan.
Ito ay ika-limang kaso na lalaking 62-year old dahil sa kailangan nitong dumaan sa procedure bunsod ng iba pang kang komplikasyon.
Nagpapagaling naman ang anim na iba pa sa mga pagamutan.
Inamin naman ng DOH na may 468 ng na-contact trace mula Case No. 4 hanggang 10. Ang 113 daw ay na-assess na, habang ang 107 ay inirekomenda na mag-home quarantine.
May anim namang in-isolate matapos ideklarang patients under investigation.
Dagdag pa ni Asec. Vergeire na walang babaguhin sa protocol na ipinatutupad ng DOH hinggil sa anunsyo ng mga kaso.
Malinaw daw ang kanilang utos na maaari lang mag-disclose ng impormasyon ang mga LGU at pribadong establishments kapag nakapaglabas na ng ulat ang DOH.
Hindi rin umano pakikialaman ng ahensya ang desisyon ng mga paaralan kung magsusupinde sila ng kani-kanilang klase.