MANILA – Patuloy na bumababa ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos ng ahensya, bumaba sa -15% ang “two-week growth rate” ng COVID-19 cases sa buong bansa.
Mula ito sa 11% growth rate sa mga kaso ng coronavirus sa bansa sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.
“Ibig sabihin nito, kahit dumadami ang kaso, ngayon nakikita natin ang patuloy na pagbaba, although slowly nitong mga nakaraang linggo,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Bukod sa growth rate, nakita rin daw ng ahensya ang pagbaba ng “average daily attack rate” sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon sa opisyal, nasa higit pitong bagong kaso na lang ang naitatala sa kada 100,000 populasyon.
Kumpara sa 9.2 average sa kada 100,000 populasyon noong nakalipas na apat na linggo.
“Dito sa NCR (National Capital Region) noong Pebrero, we were only seeing three cases per 100,000 population. During the peak of this surge, we were seeing 34 (per 100,000 population) which is an 11-fold increase in our attack rate.”
“We have improved currently to an average of 25 per 100,000 and while this is an improvement, this is still beyond the 7 per 100,000 threshold that we have set for high risk classification.”
Bukod sa bilang ng impeksyon, nakakakita na rin daw ang DOH ng pagbaba sa bilang ng mga isinusugod sa mga ospital.
Sinabi ng independent group na OCTA Research, posibleng bumaba na lang sa 3,000 ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa NCR sa susunod na mga linggo.
Ito ay kung mapapanatili ng rehiyon sa 0.85 na reproduction number ng Metro Manila, dahil sa ngayon nasa 0.83 daw ito.
“(But) if the reproduction number begins to increase again, there will be concern about the current quarantine restrictions in the NCR Plus,” babala ng OCTA.
Sang-ayon ang DOH sa report at paalala ng grupo. Pero binigyang diin ng ahensya na hindi lang numero ng COVID-19 cases ang dapat bantayan, kundi pati na rin ang sitwasyon sa mga pagamutan.
“Sa pagbaba ng kaso, sana may kasabay din na decongest o pagbaba ng mga kaso na na-admit sa mga ospital,” ani Vergeire.
“This ADAR can still overwhelmed the health system kung hindi natin mai-aayos ang ating response.”