-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Department of Health Secretary Ted Herbosa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos siyang panatilihin bilang kalihim ng ahensiya.

Ito ay matapos na tanggihan ng Pangulo ang courtesy resignation ng kalihim.

Sa isang statement, inihayag ni Sec. Herbosa na tinatanggap niya nang may pagpapakumbaba at pasasalamat ang panibagong tiwala at kumpiyansang ipinagkaloob sa kaniya ng Pangulo na kaniyang inilarawan na malapit ang puso sa kalusugan ng lahat ng mga Pilipino.

Nangako din ang kalihim sa sambayanang Pilipino ng patuloy, pinaganda, at pinalapit pang serbisyo para sa bawat Pilipino.

Maliban kay Sec. Herbosa, 20 iba pang opisyal ng gobyerno ang pinanatili sa pwesto habang ang iba naman ay tuluyan ng inalis sa pwesto matapos ang isinagawang performance review.

Matatandaan, nauna ng ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa kaniyang gabinete na magpasa ng kanilang courtesy resignation para i-recalibrate ang kaniyang administrasyon kasunod ng naging resulta ng 2025 midterm elections.