Iminumungkahi ngayon ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang total ban o tuluyang pagbabawal ng paggamit ng vape sa Pilipinas.
Ito ay gitna ng matinding pagkondena ng ahensiya sa patuloy na mapanlinlang na marketing strategy ng vape products.
Ayon sa ahensiya, madalas umanong sinasabing walang lamang nicotine at maaaring maging alternatibo sa sigarilyo ang vape.
Subalit, giit ng kagawaran na puno ang vape ng kemikal at mapanganib na usok at ang mismong aparato ng vape. Bukod dito, nabubudol ang mga kabataang gumamit ng vape dahil sa makukulay na pakete at iba’t ibang flavors nito.
Binanggit din ng DOH ang lumabas na 2019 Global Youth Tobacco Survey na nagpapakitang isa mula sa pitong kabataang Pilipino edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng vape.
Kung saan noong nakaraang taon lamang, nakapagtala ang bansa ng unang kaso ng namatay matapos ang dalawang taong paggamit ng vape.
Kaugnay nito, nagpaalala ang DOH na nakamamatay ang paggamit ng vape at sigarilyo na nagdudulot ng mga sakit gaya ng cardiovascular disease, cancer at lung disease.
Para matugunan ito, isa sa ginagawang hakbang ay ang patuloy na pagbibigay ng tamang edukasyon ng DOH Health Promotion Bureau sa mga komunidad, eskwelahan at lugar ng trabaho kasabay ng pagpapaigting pa ng mga serbisyo para matigil ang paninigarilyo.















