LEGAZPI CITY- Umaabot na sa P3.4 milyon ang halaga ng tulong na naipapaaabot ng Department of Health (DOH) Bicol para sa mga residenteng apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Ayon kay DOH Bicol Director Ernie Vera, mula ang halagang ito sa mga logistics, gamot, hygiene kits at iba pang tulong ng ahensya sa mga evacuees.
Subalit aminado ang opisyal na kulang pa rin ito para sa pangangailangan ng nasa 4,800 na pamilya o nasa 17,000 residente na apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.
Kinumpirma rin nito na humingi na ang kanilang opisina ng P2.5 millon na dagdag na pondo mula sa gobyerno habang nangangailangan naman ng augmentation support o dagdag na mga tauhan na magbibigay ng serbisyo sa mga evacuees.
Patuloy naman ang paglagay ng DOH ng mga health stations sa mga evacuation centers upang agad na magbigay ng medikal na atensyon ang mga lumikas na residente.