Hindi na umano ikinagulat ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang naging puna ni Vice President Sara Duterte sa foreign policy ng administrasyon.
Sa rally sa Australia, kinuwestyon ng bise presidente ang foreign policy ng administrasyong Marcos.
Aniya, dapat magkaroon ng independent foreign policy imbes na kumikiling sa Estados Unidos na nakita daw sa usapin ng West Philippine Sea.
Ang tinutukoy ni Duterte ay ang Typhon missile system mula sa Amerika na idineploy sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2025.
Ginamit ito sa Balikatan exercise sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at US Armed Forces.
Pero ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ng Pangulo na nasasabi ng mga Duterte ang ganitong pahayag dahil pro-China ang mga ito.
Taliwas daw ang kanilang posisyon kay PBBM na pro-Philippines.
Una nang kinontra ng think tank na Stratbase ang banat ni VP Sara sa pagsasabing walang pinapanigan ang Pilipinas at sa halip ay pinaiiral ng administrasyon ang “principled diplomacy” at rules-based approach.