Inatasan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang lahat ng ministro, pangalawang ministro, at mga pinuno ng tanggapan at ahensiya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na magsumite ng kanilang courtesy resignation na dapat hindi lumampas ang pagpasa sa Hunyo 30.
Ayon sa nilalaman ng memorandum, dahil sa mga seryoso at mabibigat na reklamong isinampa sa tanggapan ng BARMM Chief at upang mapabuti ang kahusayan at pagiging epektibo ng paghahatid ng serbisyo sa pagtatapos ng transition period sa Bangsamoro, ang lahat ng opisyal ay inatasang magpasa ng kanilang courtesy resignation.
Dagdag pa sa circular na kung sakaling tumanggi o mabigong magsumite ng resignation ang sinumang nabanggit na opisyal sa itinakdang petsa, ituturing na nagbitiw sila sa tungkulin.
Gayunpaman, nilinaw din sa memorandum na kinakailangan pa rin nilang pumasok sa trabaho at gampanan ang kanilang tungkulin hanggang magkaroon ng aksyon hinggil sa kanilang resignation.
Samantala, ayon naman kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, nire-review na ng poll body ang progreso ng pagsusumite ng courtesy resignation upang maipagpatuloy ang paghahanda kasama ang mga opisyal at pinuno ng mga ministeryo para sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.
Pagtitiyak ni Garcia na nananatiling maayos ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Ngunit dahil sa mga courtesy resignation at nalalapit na kampanya, sinabi niyang maaaring magbago ang sitwasyon.
Dagdag pa Garcia, natapos na ng COMELEC ang source code review bilang bahagi ng automated election system para sa parliamentary elections. Aniya, naipasa na rin sa COMELEC En banc ang mga draft ng balott face para sa pag-apruba. At pinalawig na din hanggang Hulyo 18 ang pagsusumite ng mga larawan ng kandidato para sa balota upang matapos ang database.
Samantala, sa kaugnay pang balita nakatakdang makipagpulong si Garcia sa Bangsamoro upang ilahad ang mga preparasyon na kanila ng ginagawa. Iinspeksyunan din nila ang kampo ng 6ID dahil ito ang kanilang planong gawing operation center, canvassing center, pati na rin media center sa halalan. Kasama sa kanilang pag-uusapan ang sitwasyon ng kapayapaan sa lugar habang naghahanda sila para sa parliamentary elections.