Nagpaalala ang Department of Health-7 sa publiko na mag-ingat laban sa flu, ubo, sipon, at iba pang viral infections na tumataas tuwing malamig at pabago-bago ang panahon.
Hinikayat din ng ang lahat na magpabakuna ng flu vaccine, lalo na ngayong magsisimula na ang flu season.
Ayon sa kagawaran, inaasahang darating ang panibagong supply ng bakuna at may sapat na stock ng doxycycline para sa mga lugar na matinding naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Binalaan rin ang publiko laban sa waterborne diseases at pinaalalahanan na panatilihin ang tamang kalinisan, umiwas sa baha, at agad magpakonsulta kapag may sintomas.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay public health expert Dr. Philip Ian Padilla, binigyang-diin nito na mas nagiging bulnerable ang katawan sa mga impeksyon dahil sa pabago-bagong temperatura at kundisyon ng panahon.
“Taglamig na, kailangang mag ingat ang publiko sa sudden change sa temperature at maulan na rin. Kung ganyan na pabagu-bago ang klima, talagang maapektuhan ang immune system,” saad ni Dr. Padilla.
Iginiit ni Dr. Padilla ang kahalagahan ng pag-iingat at pagpapanatili ng matibay na resistensya upang maiwasan ang mga karaniwang sakit ngayong tag-ulan at piang-iingat sa biglaang pagbabago ng temperature.
“Kapag mahina ang ating resistance, pwedi tayong magka infection, pwedi tayong mahawa ng ibang sakit especially ang flu season dahil mas karaniwan itong nangyayari kapag malamig ang panahon,” dagdag pa nito.
















