May 53 lugar sa bansa ang nakitaan daw ng Department of Health (DOH) nang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, resulta ito ng ginawang paghahambing ng ahensya sa datos mula August 31 hanggang September 13, at August 17 hanggang 30.
“There are 53 areas consisting of provinces, highly urbanized cities, independent component cities with percentage increase in the number of cases,” ani Vergeire.
Batay sa datos ng Health department, kabilang sa mga lugar na may pinakamataas na porsyento ng naitalang increase ng bagong kaso ay ang: Cotabato City, Sarangani, Nueva Vizcaya, South Cotabato, General Santos City at Tawi-Tawi.
Mataas din ang porsyento ng mga kasong naitala kamakailan sa Dagupan City, Abra, Biliran, Puerto Princesa City, Cagayan de Oro City, La Union, Bataan, Sultan Kudarat at Butuan City.
Pati na sa Ifugao, Aurora, Negros Occidental, Davao del Sur at Capiz.
Bukod sa mga nasabing lugar, nakapagtala rin daw ang DOH ng limang bagong clusters ng COVID-19 sa Calabarzon at apat sa Bulacan.
As of September 15, 382 ang total ng COVID-19 clusters sa Region 4A. Ang 358 sa kanila ay nasa komunidad, 14 sa “other settings,” anim sa mga ospital at apat sa mga piitan.
Sa Bulacan naman, 60 ang total ng clusters, kung saan 41 ang sa komunidad, dalawa sa other settings, at dalawa sa jail facilities.
“Marami ‘yang factors hindi lang clustering, (but) katulad ng expanded protocols natin sa testing, where are testing more. And we said that because of contact tracing efficiency na tumaas din talagang na-identify natin kung sino yung ite-test natin sa community.”
“Because of community transmission, nakakakita tayo ng clustering of cases… that might have contributed in the number of cases in these specific areas.”