-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Juan Miguel Zubiri ang Senado na palawakin ang imbestigasyon sa mga umano’y “ghost” at maanomalyang proyekto ng gobyerno, hindi lamang sa flood control.

Ayon kay Zubiri, kabilang sa dapat busisiin ang rock netting, dredging, cat’s eye, solar lamps, multi-purpose buildings, at road projects na matagal nang pinagdududahan ang kalidad at implementasyon.

Binanggit niya ang insidente kamakailan sa Albay kung saan bumagsak ang bubong ng isang stage na bagong gawa pa lamang at tinamaan lang ng ulan.

Para kay Zubiri, malinaw na senyales ito ng substandard na pagpapatupad ng ilang proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Iginiit ng mambbatas na dapat masampahan ng mabibigat na kaso, kabilang ang plunder, graft and corruption, syndicated estafa, at falsification of public documents, ang mga opisyal at kontratistang sangkot. 

Non-bailable aniya ang mga kasong ito upang matiyak na hindi sila makaiiwas sa pananagutan.

Dagdag pa niya, posibleng mas malaki pa ang halagang napunta sa mga bulsa ng mga tiwaling opisyal at kontratista kaysa sa mga naunang kaso ng pork barrel scam.

Sinabi rin ni Zubiri na nakausap na niya si Senador Panfilo Lacson, na sumang-ayon at iminungkahing sampahan ng mga “predicate crimes” na may parusang reclusion perpetua ang mga sangkot upang matiyak ang kaukulang kaparusahan.