-- Advertisements --

Natanggap na raw ng 25 mula sa 32 pamilya ng namatay na COVID-19 health frontliners ang pangakong financial assistance sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na naka-pending pa ang release sa limang pamilya dahil kulang pa ang kanilang naisusumiteng dokumento, partikular na ang Special Power of Attorney.

Nasa ibang bansa naman ang beneficiary ng pamilya ng dalawang iba pang COVID-19 health frontliner na yumao.

“They can’t immediately facilitate the process and have to confirm other relatives who will receive on their behalf.”

Kung maaalala, sinabi ng Health department nitong Sabado na 30 pamilya na ang nakatanggap ng tig-P1 milyong tulong pinansyal.

Pero paglilinaw ng kagawaran ngayong araw: “Based on yesterday’s report we were coordinating with 30 families, pero upon further checking of their documents di pa complete so we were not able to release this five.”

Samantala, 42 na lang mula sa 79 na unang listahan ng health care frontliners na naging severe at critical dahil sa COVID-19 ang vina-validate ng DOH para sa P100,000 compensation.

“Some patients have admitted that their cases were only moderate/mild and not as initially reported na severe.”

Sa ngayon 10 cheke pa lang mula sa 42 indibidwal ang naihahanda ng Health department para sa distribusyon.