-- Advertisements --

Pinaghahanda ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mas marami pang military exercises ngayong taon at sa mga susunod na taon.

Sa mensahe ng kalihim kasabay ng pagtatapos ng Balikatan Exercises 2025, sinabi niyang lalaliman pa ng DND ang pressure sa AFP upang lalo itong tumatag at mapalawak ang kapabilidad.

Sa pamamagitan ng mas maraming simulation, joint drill, at modernisasyon sa militar, umaasa ang gobiyerno ng Pilipinas aniya na lumakas pa ang hukbong lakas patungo sa multi-threat at multi-theatre na hukbong sandatahan.

Dapat aniya ay masiguro ang tuloy-tuloy na paglakas ng hukbo at maabot ang proactive defense capability nito at hindi nakukuntento sa passive defense.

Giit ng DND chief, mananatiling naka-suporta ang gobiyerno ng Pilipinas sa mga hakbang ng AFP mula sa modernisasyon hanggang sa mas maraming joint military activities.

Ayon pa sa kalihim, dapat ay tuloy-tuloy ang mga bilateral at multilateral exercises na pinapasok ng Pilipinas kasama ang iba pang hukbong sandatahan.

Ang mga serye ng military drill ang kailangan aniya dito sa Asia-Pacific Region at hinding-hindi dapat maging balakid ang banta o pagsalungat ng ibang bansa para isagawa ang mga naturang aktibidad sa pagtutulungan ng mga like-minded nations.

Giit ni Teodoro, anuman ang mangyari, ipagpapatuloy ng pamahalaan ng Pilipinas ang nasimulan nitong pakikipag-alyansa sa ibang mga bansa na sumusuporta rito.

Sa hiwalay na panayam kay Sec. Teodoro matapos ang Balikatan drills, sinabi niyang nagpapatuloy na ang pakikipag-usap ng gobiyerno ng Pilipinas sa ibang mga bansa para magkaroon ng opisyal na military exercises sa pamamagitan ng visiting forces aggreement.

Kabilang dito ang Soouth Korea, Canada, France, atbpang mga bansa.