Naglabas ng matibay na pahayag ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na naninindigan sa kanilang tungkulin bilang tagapagtanggol ng Konstitusyon at ng sambayanang Pilipino.
Sa gitna ng mga panawagan para sa pag-atras ng suporta sa gobyerno dahil sa ilang nasasangkot sa korapsyon.
Sa statement na nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., mariing kinondena ng dalawa ang mga tangkang politikal na ilihis ang AFP mula sa kanilang pangunahing misyon.
Tinawag nila itong “futile” at “irresponsible,” lalo na sa panahong may banta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Ayon sa pahayag, nananatiling propesyonal at non-partisan ang AFP at DND, at patuloy na tumutupad sa kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon. Binigyang-diin din ang suporta ng dalawang ahensya sa kampanya kontra korapsyon ng Pangulo, na tinawag nilang isang “national crusade” para sa mabuting pamahalaan at makatarungang lipunan.
Mariing tinutulan ng DND at AFP ang anumang pahiwatig ng mga grupong nais gamitin ang AFP sa mga hakbang na labag sa Konstitusyon.
Ayon sa kanila, ang AFP ay sumusunod sa Chain of Command at hindi pumapayag sa mga unilateral na aksyon na walang basbas ng batas.
Sa pagtatapos ng pahayag, nanawagan ang DND at AFP sa lahat ng Pilipino na magtiwala sa mga demokratikong institusyon, igalang ang mga proseso, at magkaisa sa diwa ng patriotismo. Anila, ang tunay na pagbabago ay makakamtan lamang sa mapayapa, legal, at demokratikong paraan.