Suportado ng Department of National Defense (DND) ang Anti Terrorism Council (ATC) Resolution 2021 na nag-designate sa National Democratic Front (NDF) bilang isang terrorist organization.
Sa isang statement, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinunsidera ng ATC ang mismong pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chair Jose Maria Sison na tinukoy ang CPP-NPA bilang isa sa kaalyadong organisasyon ng NDF.
Si Sison at ang kanyang asawa na si Juliet De Lima-Sison na itinalaga kamakailan na interim chairperson ng NDF negotiating panel, at Ilan pang mga indibidual ay una nang designated bilang terrorista ng ATC resolution 17.
Sinabi ni Lorenzana na ang nasabing hakbang ng ATC ay inaasahan niyang makakatulong sa Defense Sector na epektibong matugunan ang mga problema sa panloob na seguridad para matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
” The ATC has found probable cause warranting the designation, citing the statement of Communist Party of the Philippines founder Jose Ma. Sison, who identified the CPP/NPA as one of the allied organizations of the NDF ,” pahayag ni Lorenzana.
Samantala, pinuri naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang designation ng National Democratic Front (NDF) bilang terrorist organization ng Anti-Terrorism Council.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, ang designation ay patunay lamang na may kontrol ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa armadong grupo na New People’s Army at sa kanilang tinatawag na legal front na nagbibigay suporta sa mga inilulunsad na karahasan ng komunistang rebelde.
” We believe that this decision by our higher civilian authorities will significantly help our troops on the ground by preventing the operation of underground mass organizations that recruit and raise funds for the armed group,” pahayag ni Sobejana.
Binigyang-diin ni Chief of Staff na malapit na makamit ng pamahalaan ang tagumpay laban sa CPP-NPA-NDF at wala ng magbabanta sa mga komunidad.