-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanilang ipinauubaya na sa University of the Philippines at bansang Japan ang pagsasagawa ng DNA analysis sa mga narekober na labi sa Taal lake.

Ito mismo ang ibinahagi ni Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano na aniya’y hindi na makakasama ang Philippine National Police – Forensic Group sa pagsasagawa ng DNA testing.

Ipinauubaya na raw ito partikular sa University of the Philippines Forensic Pathology Department at UP Anthropology Department, katuwang rin ang Japan upang manguna sa naturang siyantipikong pagsusuri.

Kung saan sinabi ni Justice Assistant Secretary Clavano na ito’y bunsod nang aminin ng Philippine National Police na limitado lamang ang kanilang kapasidad sa pagsasagawa ng DNA analysis.

Kaya’t minabuti na aniya ng kagawaran na humingi ng tulong sa iba upang maisakatuparan at maipagpatuloy ang malalimang pagsusuri sa mga nakukuhang buto.

“Given the pronouncements of the PNP that their capacities and capabilities are limited then we were considering to asking for help from the UP Forensics Pathology Department as well as the Anthropology Department and the Japanese government,” ani Assistant Secretary Mico Clavano ng Department of Justice.

Kanyang paglilinaw naman na walang magbabago sa kung papaano ang naunang proseso sa isinasagawang ‘search and retrieval operations’.

Aniya’y hindi naman lahat ng marerekober na buto sa Taal lake ay kanilang ipauubaya sa University of the Philippines at bansang Japan upang masuri at isailalim sa DNA analysis.

“Baka naman po ma-overwhelm sila sa dami, maybe what we can do is provide them with the best samples that we have para masimulan na nila doon,” ani Spokesperson Mico Clavano ng DOJ.

Subalit kanya pang binigyang linaw na sa oras na tuluyang maisakatuparan ang koordinasyon at mapagbigyan ang hiling na tulong, posibleng maging ang lahat na ng mga narekober na buto ay UP at Japan na ang mangungunang magsuri.

“Hindi na po, so we will have to be clear na kung talagang mayroon na tayong arrangement… If that pushes through, then the bones for simplicity sake will all be analyzed now by UP,” ani ASec. Mico Clavano ng DOJ.