Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang Overseas Filipino Worker (OFW) Pass, na digital version ng Overseas Employment Certificate (OEC), ay maaaring ma-access nang libre ng lahat ng Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na bukod sa OFW Pass, naghahanda na rin ang ahensya para sa paglulunsad ng DMW Mobile App na libre rin sa lahat ng OFW users.
Aniya, ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at batay din sa hiling ng mga OFW para sa mas maginhawang pagkuha ng Overseas Employment Certificate at iba pang serbisyo.
Aniya, nilinaw ni Pangulong Marcos na ang OFW Pass ay dapat na libre bilang parangal sa malaking sakripisyo at kontribusyon ng mga makabagong bayani na nagtatrabaho sa ibang bansa sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya pati na rin ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Ople na ang DMW mobile app ay sumasailalim sa mahigpit na launch testing ng Department of Information and Communications Technology (DICT) bago ang pormal na paglulunsad nito.
Dagdag dito, ang OFW Pass, na magsisimula sa modernization at digitalization program ng ahensya, ay nakatakdang ilunsad pagkatapos na ibigay ng DICT payo para sa launching ng nasabing application.