-- Advertisements --

Hinamon ni Public Works Secretary Vince Dizon si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na pangalanan ang mga tauhang umano’y nakikipagkita sa mga kontratista kapalit ng kickback sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ay kasunod ng pahayag ni Leviste sa isang press conference kung saan sinabi niyang may natanggap siyang impormasyon mula sa “credible” source nito na ilang miyembro ng team ni Dizon ay mga kontratista o may koneksyon sa mga ito.

Bagamat walang ebidensyang iniharap si Leviste, iginiit niyang may mga bagong appointees na nakikipagkita umano sa mga kontratista sa labas ng DPWH at may hinihinging kapalit.

Sa kanyang panig, itinanggi ni Dizon ang akusasyon at tiniyak na handa siyang magsagawa ng imbestigasyon. Aniya, hindi madaling mag-appoint ng undersecretary sa panahong ito at personal niyang pinili ang kanyang mga tauhan.

Dagdag niya, kung may mapapatunayang sangkot sa panghihingi ng kickback, hindi lamang ito sisibakin kundi kakasuhan pa.

Inamin din ni Dizon na dahil sa kanyang mga dating posisyon sa gobyerno tulad ng BCDA President at flagship project adviser, may mga nakasalamuha siyang kontratista noon, pero wala aniyang lumapit sa kanya simula nang pamunuan niya ang DPWH.

Samantala, sinabi naman ni Leviste na isang opisyal ng DPWH aniya ang tumawag sa kanya habang nasa press conference siya at tiniyak na kung may contractor nga sa bagong appointees, ay agad itong aalisin.

Nanawagan din si Leviste kay Dizon na ilantad ang lahat ng koneksyon ng kanyang team sa mga kontratista at patunayan sa publiko na seryoso ang bagong pamunuan ng DPWH sa pagsugpo ng katiwalian.