-- Advertisements --

Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes na susuriin nila ang mga pahayag sa United People’s Initiative (UPI) rally sa Quezon City na nanawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang ilang pahayag sa rally ay “close to inciting sedition” at walang lugar sa civil society. Binanggit din niya na ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kasamang pananagutan.

Isa sa mga nagbigay ng pahayag ay si Jeffrey “Ka Eric” Celiz ng Sonshine Media Network International, na nanawagan sa Pangulo na magbitiw at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta sa presidente, at binanggit ang precedent ng 2001 EDSA revolt laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Ayon kay Celiz, ang anumang hakbang ng AFP ay legal at lehitimo, dahil ang hukbong sandatahan ay “protektor ng estado at ng mamamayan,” hindi ng isang opisyal.

Kaugnay nito mag-iimbestiga rin ang Quezon City Police District upang tukuyin kung may may elemento ba ng sedition sa mga potesta sa lugar.

Ginawa ang rally ng UPI sa People Power Monument, kasabay ng tatlong-araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Luneta Park, na nanawagan ng transparency at accountability sa pamahalaan.