-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga local government units na tapusin na ang pagpapahatid ng emergency cash subsidy sa mga target beneficiaries ng Assistance to Individuals in Crisis Program (AICS) sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa isang panayam, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na mayroon na lamang dalawang araw ang mga LGUs para tapusin ang pagpapahatid sa first tranche ng SAP.

Nakatakda kasing mapaso sa Mayo 7 ang pitong araw na extension na iginawad ng DILG at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 para sa mga hindi pa nakakatanggap nito sa 18 million target beneficiaries ng programa.

Base sa ika-anim na report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, sinabi nito na mahigit 10 million pa lang sa target beneficiaries ng AICS ang nakatanggap ng emergency cash assistance mula sa pamahalaan.

Nauna nang sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na mahaharap sa karampatang kaso ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na bigong makumpleto ang programa sa kabila nang pagpapalawig sa deadline nito ng hanggang Mayo 7 mula sa orihinal na schedule na Abril 30.