-- Advertisements --

Naka-full alert ang Manila Electric Company (Meralco) sa national at local elections sa Lunes, Mayo 12.

Ayon sa kompaniya, naka-standby ang kanilang mga crew at personnel para matiyak ang stable at reliable service sa mahigit 3,000 polling precincts, canvassing centers at mahahalagang election sites na nakatalaga sa mga sakop na lugar ng Meralco sa kabuuan ng panahon ng halalan.

Maliban dito, nakatakda ding ideploy ang kanilang crew at mahigit 160 generator sets at 470 floodlights sa strategic areas para matiyak ang agarang pagresponde sa posibleng mga aberya sa suplay ng kuryente.

Nagsagawa na rin ang kompaniya ng inspeksiyon sa mga paaralan na gagamitin bilang polling precincts bago pa man ang araw ng halalan.

Isinagawa na rin ang kinakailangang maintenance at upgrading activities para matiyak na nasa magandang kondisyon ang distribution network ng Meralco at mga pasilidad nito.

Maaari namang dumulog sa distribution utility sakaling makaranas ng power outages at iba pang concerns sa pamamagitan ng MyMeralco app o sa pamamagitan ng kanilang official social media pages.