Tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na makakaasa umano si Vice President Sara Duterte na mayroong ‘due process’ sa Department of Justice.
Kung saan ibinahagi niya sa Bombo Radyo na makakaseguro ang kampo ng ikalawang pangulo na daraan sa tamang proseso ang imbestigasyon sa mga kinasasangkutan nito.
Aniya’y asahan ni Vice President Sara Duterte ang ‘due process’ sa mga preliminary investigation nito na makailang ulit namang isinambit ng kanilang panig.
Ito ay kaugnay pa rin sa mga paratang na kinakaharap ng ikalawang pangulo matapos maghain ng mga reklamo ang National Bureau of Investigation laban sa kanya.
Nahaharap si Vice President Sara Duterte sa mga paratang na reklamong ‘inciting to sedition’ at ‘grave threats’ dahil sa mga pagbabantang binitawan nito sa buhay ng Pangulo ng bansa.
“Due process, no problem with due process. Everything… we respect the office, that’s the most important,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Ngunit paglilinaw naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi umano siya ang may hawak sa kung ano mang magiging desisyon sa mga reklamong isinampa laban sa ikalawang pangulo.
Aniya’y, Prosecutor-General ang nangunguna sa mga preliminary investigation at nasa kanilang hurisdiksyon ang magiging resulta kung tuluyang maisasampa bilang kaso ito sa korte o tuluyan na lamang maibabasura.
Samantala, sa kampo naman ng bise presidente, makailang ulit nilang sinabi na sila’y umaasang magkakaroon ng ‘due process’ sa pagharap ng ikalawang pangulo sa mga paratang nito.
Kung saan ibinahagi ni Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Vice President Sara Duterte na inaasahan nilang hindi isasantabi sa ginagawang imbestigasyon ang ‘due process’ na dapat anila’y sinusunod sa bawat prosesong isinasagawa.
Matapos ang unang preliminary investigation, nakatakda namang ganapin ang ikalawa nito sa darating na ilabing-anim ng Mayo sa kasalukuyang taon.